Thursday, August 9, 2007

Siya Na Ba?



Ako po'y nagpapasalamat dahil mayron na pong ganitong klaseng website para tumulong sa mga katulad naming seafarers. Naniniwala po akong madaming tao ang matutuwa at magnanais na magkaroon ng isang psychological approach sa aming mga concern.
Ako po si Phil. Isang seaman. Mahirap po talaga ang malayo at nasa gitna ng karagatan. Ako po ay isa sa mga seaman na mapalad na nakakabyahe sa iba't-ibang bansa. Binata po ako. Walang girlfriend at handang sumugal sa isang relationship. Di ko naman po makakailang magandang lalaki din naman po ako. Maraming mga babae na mamimeet. Iba't ibang lahi actually. May magaganda. May konting ganda lang. May sexy. May maganda ang pagkapayat! Sa dinami-dami po ng aking nakikilala, iba-ibang emotion ang aking nararamdaman. May nagiging ka-MU (mutual understanding) ako. May pang short time. Gusto ko sana yung totoo na.
Paano ko po malalaman na yun na yun? I mean, how do I know if she's the one. Maraming salamat po at naway marami pa po kayo matulungan.
Phil



Phil,
Paano ba malalaman kung ang taong kapiling natin ay "siya" na? Marami na rin ang nakapagtanong niyan at samu't-sari na rin ang naging mga kasagutan, bagamat walang ganap na kasiguruhan sa mga sagot na ito. Ang pagtingin sa pagmamahal at relasyon kasi ay isa sa mga bagay na may halong misteryo--- hindi siya magagamitan ng checklist na magsasabing ang isang tao ay Siya na nga.

Isang bagay ay malinaw: ang pag-ibig ay, oo, isang damdamin, ngunit di lamang isang damdamin. Ito rin ay isang desisyon. Isang pagpili na paulit-ulit nating gagawin, kahit pa tayo ay kasal na. Ang tunay na pag-ibig ay ang pagpili sa kanya sa lahat ng bagay.

Sumakatuwid, hindi batayan ng tunay na pag-ibig ang ganda ng damdamin na ating nararamdaman, tulad ng paghanga, pagka-attract, ligaya, atbp,---bagamat malaki ang bahagi ng mga ito--- sapagkat sa ating buhay maraming dadaan na makapagbibigay ng mga damdamin na ito. Maaari rin mawala ang mga ito. Hindi rin nababatay ang tunay na pag-ibig sa magagandang katangian ng minamahal, pisikal man o ugali, sapagkat ang mga ito ay maaaring magbago sa paglipas ng panahon. Ang tunay na pag-ibig ay nababatay sa kakayahang magdesisyon--- na sa kabila ng lahat ng maaaring pagsubok na darating sa ating buhay---siya pa rin ang ating pipiliin.

Kung gayon may 3 mahalagang bagay na mainam na isa-alang-alang:

Una, ang tunay na pag-ibig ay nakasandal sa malalim na pagkilala at pakikipagkaibigan sa isang tao. Hindi mo puwedeng mahalin ang isang tao na hindi mo ganap na kilala, sapagkat paano mo masasabi na tinatanggap mo ang kanyang buong pagkatao kung hindi mo siya kilala. Authentic intimacy--- ang ibig sabihin nito at mayroong tiwala sa isa't-isa na maipakita ang totoong ikaw, tumanggap at matanggap, at maanyayahan na lumago. Tayo ay minamahal sa kabila ng di magagandang bahagi ng ating pagkatao ngunit nakatutok sa paglago at pangangalaga. Mayroon kasing pekeng intimacy at kung minsan ang sinasabing M.U o mutual understanding ay sabi nga ni Jessica Zafra ay U.D. pala---unilateral delusion. Ibig sabihin nito ay hindi naman pala nagkakaintindihan kung hindi nakikita lamang ng bawat isa ang gusto nilang makita sa kanilang kapareha.

Pangalawa, ang tunay na pag-ibig ay dalawang tao na buo kahit mag-isa, ngunit pinili na mag-sama. Ang ibig sabihin nito, ang udyok ng pagsasama ay hindi upang "mabuo" tayo. Kung tayo ay lonely, malungkot at di satisfied sa ating buhay bilang single, hindi tayo sasaya na may kasama. Iproseso muna ang sarili upang masiyasat kung mayroon bang mga isyu na sasagabal sa atin sa konteksto ng relasyon.

Pangatlo, ang tunay na pag-ibig ay pag-ibig na magpapalapit sa iyo sa Panginoon at sa kapwa. Ang pag-ibig na makasarili, na ibinibigay lamang ang oras sa isa't-isa, o di kaya ay nangangailangan na magtago ay dapat pagnilayan kung tunay ba o hindi. Mainam na tayo ay bukas sa komento at obserbasyon ng iba---higit sa lahat ng Ama. Kung ang oras mo ay nakatutok lamang sa taong ito na isinasara mo ang iyong sarili sa mundo o responsibilidad, ito ay makasariling damdamin lamang.

No comments: